Mainit na rivalry ang na-develop sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Lebanon sa nakalipas na taon kung saan nagharap ang magkabilang koponan noong Asian Qualifiers ng FIBA World Cup.
Hindi naging balakid para kay Wael Arakji, ang itinuturing na best guard in Asia, ang presensya ni National Basketball Association All-Star at dating Sixth Man of the Year awardee na si Jordan Clarkson, na muling idinagdag sa line up ng Gilas Pilipinas para sa fourth window ng Asian Qualifiers noong Agosto ng nakaraang taon.
Mas sikat man sa kanya si Clarkson, inagaw ni Arakji ang spotlight sa kanyang mas premyadong katunggali kung saan tumipa siya ng 24 puntos, kabilang na rito ang game-winning three-point shot mula sa padkakadampot ng loose ball mula sa supalpal ni Gilas center Kai Sotto at nagawang maitakas ng Lebanon ang 85-81 panalo kontra sa Pilipinas.
Nagawa mang makabawi ng Pilipinas noong sixth and final window ng Asian Qualifiers kung saan nanaig ang Gilas, 107-96, hindi maituturing na matamis na tagumpay ang nagawa ng ating national team dahil wala ang premyadong guwardya ng Lebanon.
Sa papalapit na pocket tournament sa China, muling magtatagpo ang Gilas at Lebanon.
Ang Lebanon ang isa sa tatlong koponan ng ating national team hopefuls na naghahanda sa papalapit na World Cup. Lalabanan rin ng Pilipinas ang Iran at Senegal, dalawang koponan na nakaharap ng ating national team sa nakalipas na dalawang editions ng FIBA World Cup noong 2014 at 2019.
Tinalo ng Iran ang Pilipinas, na ginagabayan pa noon ni Yeng Guiao, 95-75, sa 2019 World Cup.
Nagawa namang masungkit ng Gilas ang unang panalo sa kasaysayan ng World Cup sa nakalipas na 40 taon ng kanilang talunin ang Senegal sa overtime game, 81-79, ng kanilang classification match noong 2014.
Sa pocket tournament na gagawin sa China, inaasahan ng Gilas na makakasali na sa kanilang training ang kanilang pambatong player na si Clarkson gayundin ang sumisikat na si Kai Sotto, ang NBA aspirant na kasalukuyang naglalaro para sa koponan ng Orlando Magic sa ginagawang Summer League tournament.
Hangad ni Sotto, ang 7-foot-3 na sentro ng Gilas, na makagawa ng kasaysayan bilang unang full-blooded Filipino player na makapaglaro sa NBA.
Ang Summer League ang ginagawang tungtungan ni Sotto para mapabilang sa roster ng Magic o kung sino mang NBA team.
Sa nalalapit na pocket tournament sa China, inasahan ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na makakasama na sina Clarkson at Sotto.
“As far as I know, Kai, right after the Summer League, should be here. Jordan has been asked to come in as early as possible. We want him to join us in the China tune up series,” ang sabi ni Reyes. “That’s what were we at right now. But whether he’ll be able to do so, we don’t know.”
Sakali mang maidagdag si Clarkson at Sotto at maglaro si Arakji para sa Lebanon, asahan ang mas eksplosibong sagupaan ng dalawang koponan.