Nais ng Philippine Basketball Association (PBA ) na makilala sa international arena kaya’t pinag-iisipang sumali sa Jones Cup.
Sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na nakatanggap na sila ng imbitasyon upang maging bahagi ng prestihiyosong invitational tournament na idaraos sa Taipei mula Agosto 5 hanggang 9.
Ipababatid ni Marcial ang usapin sa PBA board of governors habang naka-break ang liga upang magbigay daan sa isasagawang FIBA Basketball World Cup mula 25 Agostso hanggang 10 Setyembre.
“We already received an invitation to join the Jones Cup but I’m going to bring it up to the board,” ani Marcial sa ika-23 anibersaryo ng Daily Tribune sa The Peak sa Grand Hyatt Hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Martes.
International exposure ng players ang ginagawa ng PBA nitong mga nakaraang buwan.
Sa katunayan ay ipinadala nito ang San Miguel Beer at TNT Tropang Giga noong nakaraang taon sa East Asia Super League, kung saan ay nakasagupa nila ang mga koponan mula sa Japan, Korea, Taipei at Hong Kong.
Magpapadala rin ang PBA ng teams sa EASL kasama ang Tropang Giga at Barangay Ginebra San Miguel bilang kanilang mga kinatawan.
Hindi na bago para sa PBA ang paglahok sa Jones Cup at dati nang nasungkit ng PBA-backed Gilas Pilipinas ang Jones Cup title noong 2012 at si LA Tenorio ang naging bayani sa kanilang gold medal match laban sa Mahram Tehran ng Iran.
Nauna rito, nanalo rin ang national squad ng Jones Cup noong 2005 sa panahong ipinagbawal lumahok ang bansa sa mga events ng International Basketball Federation bunsod ng political turmoil.
Si Chot Reyes ang naging coach ng squad na kinabibilangan ng PBA stars gaya nina Asi Taulava, Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa and Dondon Hontiveros bilang players.
Habang ang Centennial Team na ang coach ay si Tim Cone ay nanguna sa Jones Cup na nagsilbing build up nito para sa Bangkok Asian Games noong 1998.
REY JOBLE