PUERTO PRINCESA CITY, Palawan — Matagal nang alitan ang sinasabing dahilan nang pananaga hanggang sa mapatay ng tatlong suspek na magkakamag-anak sa isang 45-anyos na construction foreman sa Purok Riverside, Barangay Panalingaan sa bayan ng Rizal sa Southern Palawan.
Ayon kay Major Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang pananaga sa biktima na si Arnel Tacmoy ay nangyari sa liblib na purok sa nasabing barangay bandang alas sais kamakalawa ng gabi.
Si Tacmoy ay residente ng Macayawan, Zamboanga Del Sur, at sinasabing foreman sa isang itinatayong ospital sa Brgy. Panalingaan.
Walang habas umanong pinagtataga ang biktima ng mga magkakamag anak na sina Robert Picases, Eziekiel Picases, at si John Michael Picases, mga residente ng Brgy. Culasian sa bayan din ng Rizal.
“Ang mga suspek, dalawa ay magkapatid, at ang isa pinsan nila,” pahayag ni Ramos.
Sa paunang imbestigasyon sa pangyayari, lumalabas na ang mga suspek ay pumunta sa construction site ng ospital upang sugurin ang biktima na nagtratrabaho bilang foreman. Pagdating doon ay bigla nilang pinagtataga si Tacmoy gamit ang mga dalang itak.
Sinubukan ni Tacmoy na tumakas, ngunit nahabol siya’t nakorner pa rin siya ng mga suspek at pinagtatagang muli sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakatakas ang mga suspek mula sa pinangyarihan ng insidente kaya’t nagsasagawa na nang manhunt operation ang 4th Platoon ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company at ang 18th Special Forces Company ng Philippine Army upang sila ay maaresto.
CELESTE ANNA FORMOSO