Ipinapanukala ni Health Secretary Ted Herbosa ang pagkuha sa mga unlicensed nurse para punan ang malaking kakulangan sa mga nurses sa mga pampublikong ospital.
Ayon kay Secretary Herbosa, maaring magtrabaho sa mga pampublikong ospital ang mga nursing graduates na bumagsak o hindi pa nakapapasa ng Philippine Nursing Licensure Exam.
Umani ng samu’t saring reaksyon ang suhestyon ng bagong DOH secretary, lalo’t kalusugan at kaligtasan ng publiko ang nakasalalay sa mga kamay ng mga healthcare workers.
Ayon sa Department of Health, mayroong 4,500 na bakanteng posisyon para sa mga nurse sa lampas 70 ospital ng ahensya sa buong bansa.
Paliwanag ni Secretary Herbosa, ang panukala niya ay ang nakikita niyang sagot sa patuloy na pagkaubos ng mga nurse sa Pilipinas na kung hindi nagpapalit ng propesyon ay nangingibang bansa para sa mas mataas na suweldo at benepisyo.
Mariing itinanggi ng kalihim na ang mababang sahod ang dahilan kung kaya’t patuloy na nag aalisan ang mga nurse sa bansa, sabay sabing hindi na masama ang kasalukuyang sinasahod ng mga entry-level nurse sa mga pampublikong ospital.
“The issue with low pay, maybe that is in private hospitals. The low compensation in private hospitals is another issue, and that’s another issue that I will tackle after the shortage,” ani Herbosa.
“The salary grade for government is acceptable. It is not that bad for a licensed nurse,” dagdag nito.
Ayon sa kanya, naglalaro sa P36,000 hanggang P39,000 ang buwang sahod ng isang entry-level nurse sa pampublikong ospital.
Bagamat maituturing na mas mataas ang buwanang sahod ng mga nurse sa mga pampublikong ospital kaysa sa mga nag tratrabaho sa pribadong ospital, hindi siguro masasabing “hindi na ito masama.”
Bukod sa samu’t saring kaltas para sa mga mandatory government deductions sa kanilang take home pay, hindi rin maikakaila ang malaking agwat sa benepisyo na kanilang natatanggap kung ikukumpara sa mga natatamasa ng mga pulis at sundalo na kapwa nila lingkod bayan.
Ayon sa Filipino Nurses United, may sapat na bilang ng mga lisensyadong nurse sa bansa, ang problema, napipitilitan umano ang mga ito na maghanap ng ibang propesyon dahil sa mababang sahod at mabigat na trabaho sa mga ospital.
Sa datos ng Professional Regulation Commission, hindi bababa sa 47,000 na mga nursing graduates ang pumasa sa board exam sa nakalipas na tatlong taon.
Isang malaking kabalintunaang maituturing na sa rami ng mga pumasa sa licensure exam, hindi nito mapunan ang 4,500 na bakanteng posisyon para sa mga nurse sa mga pampublikong ospital.
Sang-ayon ako sa sinabi ni Secretary Herbosa na ang isyu sa kakulangan ng mga nurse sa bansa ay “complex.”
Maaring maraming dahilan kung bakit patuloy na nakakaranas ng brain drain sa mga healthcare workers ang bansa.
Pero masosolusyonan lamang ito kung magkakaroon ng pagtanggap sa tunay na dahilan kung bakit sila unti-unting nalalagas.