Matagumpay na idinaos ang taunang Buntis Congress na nilahukan ng 50 nanay mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Boac sa Marinduque.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ng mga kawani ng Municipal Health Office (MHO) katuwang ang Opisina ng Pambayang Nutrisyon, Tanggapan ng Panlalawigang Pangkalusugan, Municipal Social Welfare and Development Office at mga kinatawan mula sa PhilHealth.
Layunin ng aktibidad na paigtingin ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga nanay hinggil sa ligtas na pagbubuntis, panganganak at pangangalaga ng kanilang magiging sanggol.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang mga palatandaan ng panganib sa pagbubuntis, pagpaparehistro sa mga sanggol, Responsible Parenthood at HIV awareness habang ipinabatid din ng PhilHealth ang ilang mga benepisyo na makukuha sa kanilang ahensya kagaya ng Maternity at Newborn Care Package.
Nagsagawa rin ng HIV counseling at testing, oral examination, laboratory tests at pelvic ultrasound para sa mga buntis habang tumanggap din ang mga ito ng bigas, itlog at gatas na aabot sa tatlong buwang konsumo para masiguro ang kalusugan ng mga ina at sanggol sa kanilang sinapupunan.
Namahagi ng buntis kits ang Provincial Health Office habang libreng konsulta sa ngipin ang ipinagkaloob ng Philippine Dental Association Inc. Marinduque Chapter.
Samantala, isa sa naging tampok sa gawain ay ang Search for Super Gandang Buntis 2023 na nilahukan ng anim na piling kandidata at ang itinanghal na nagwagi ay si Kimberley Rose Seño mula sa Barangay Cawit.