Idaraos sa Hulyo 20 sa Malacañang ang
pamimigay ng cash incentives sa mahigit na 500
medalist na mga atletang lumahok sa South East
Asian Games (SEA Games) at ASEAN Para Games
na ginanap sa Cambodia.
Personal na iaabot ni Pangulong Ferdinand
Marcos Jr ang nasabing mga cash incentives.
Sinabi ni Philippine Sports Commission
(PSC) Chairman Richard Bachmann na labis na
nasisiyahan ang pangulo sa patuloy na pagbibigay
karangalan sa bansa ng mga atleta sa pamamagitan
ng pagkamit ng mga medalya.
Aabot sa P60 milyon at P14 milyon na cash
bonuses para sa SEA Games at ASEAN Para
Games medalist ang ipapamigay na napapaloob
sa Republic Act 10699 o ang Expanded National
Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act.
Ang nasabing pondo ay mula sa cash income ng
Philippine Amusement and Gaming Corporation
(PAGCOR) na ibinigay sa National Sports
Development Fund (NSDF) ng PSC.
Ilan sa mga naimbitahang dadalo ay sina Senate
Committee on Sports Chairman Sen. Bong Go,
House Committee on Youth and Sports Chairman
Rep. Faustino Dy III, .Philippine Olympic Committee
(POC) President Mayor Abraham Tolentino at iba
pang mga matataas na opisyal.#