Nag-tengang-kawali si Orlando Magic Summer League coach Dylan Murphy sa malakas na sigaw ng Filipino fans para ipasok niya sa laro ang 7-foot-3 basketball player na si Kai Sotto laban sa Indiana Pacers kahapon.
Pinanindigan ni Murphy sa pag-talaga kay Sotto bilang DNP (Did Not Play) sa laro ng kanilang team kontra Pacers kung saan ay natambakan sila sa iskor na 108-83.
Dismayado ang fans ng 21-anyos Pinoy player at nag-chant ng “We want Sotto” na dumagundong sa buong Thomas & Mack Arena, pero deadma ang coach ng Magic.
Matatandaang unang ibinangko si Sotto sa laro ng Magic noong Linggo kalaban ang Detroit Pistons, 89-78, dahilan para lalong mag-alburoto ang mga fans.
Ayon sa isang report, sinabi ni Murphy na makakapaglaro pa rin naman si Sotto.
“He will [play]…I think next game, a lot of players who haven’t seen the court [would play]. His time will come,” giit niya.
Umaasa naman si Sotto na magkakaroon siya ng playing time sa nalalapit na laro ng Magic laban sa New York Knicks sa Huwebes.