Ito ang dapat gawin ng administrasyong Marcos Jr. upang patuloy pang pumasok ang foreign direct investments sa bansa at para tuluyan nang makaahon ang Pilipinas sa pagkakautang, gayundin sa ekonomiya.
Ayon sa business groups, ito na lamang ang tanging paraan para tumaas ang kita ng bansa—sa pamamagitan ng mga foreign direct investments, kahit sa tingin ng pangkaraniwang Pilipino ay namamasyal lamang ang Pangulo at gumagastos ng milyon-milyon galing sa buwis na kanilang binabayaran.
Sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas, bumulusok ng 14.1 percent ang FDI ng bansa nang makapagtala lamang ng $876 million simula nitong January 2023, kumpara sa $1.0 billion sa kaparehang period noong 2022.
Ngunit sa kanyang mga naging junket, bilyong-bilyong dolyar na investment pledges mula sa mga mamumuhunan sa ibang bansa ang naiuwi diumano ni Marcos Jr.
Sa huling trip nga ng Pangulo sa Washington DC nang kanyang makadaupang-palad si United States President Joe Biden, ipinagmalaki niya na $1.3 Bilyong dolyar ang naiuwi niyang investment pledges na makapaglilikha umano ng 6,700 na trabaho para sa mga Pilipino.
Sinabi ng Pangulo na hudyat na umano ito na bumabalik ang kumpyansa ng international business community sa Pilipinas.
Sa tatlong linggong pakikipagkalakalan naman ni Trade Secretary Fred Pascual nitong huling bahagi ng Hunyo hanggang unang linggo ng kasakuluyang buwan, ipinagmalaki nitong nakapag-uwi siya ng P73 billion investment leads.
Sinabi ni Pascual na 48 investment leads ang ipinangako ng mga namumuhunan sa Europa, at 16 sa mga ito ay positive projects, kinabibilangan ng anim sa renewable energy sector, anim para sa IT-BPM, dalawa sa manufacturing at dalawa sa infra-related projects.
Sa darating na July 24 ay siguradong iisa-isahin ni Pangulong Marcos ang mga accomplishments na kanyang nagawa sa unang taon ng kanyang panunungkulan, at tiyak na marami ang kanyang babanggitin pagdating sa FDI.
Nawa’y lahat ng mga investment pledges na ito ay matupad at pumasok sa kaban ng bayan.
Umaasa ang pamilyang Pilipino sa magiging magandang dulot nito sa kanilang hapag-kainan.
Dahil higit sa kung ano pa man, ang lahat ng dapat gawin ng Pangulo na pagbebenta sa bansa bilang isang investment destination, dapat itong maramdaman ng ilang pamilyang kumakalam ang sikmura sa kahirapan.
Hindi kasiya-siyang makita na kahit nag-uumapaw ang bansa sa mga namumuhunan, ay tanging sardinas lamang ang patuloy na kinakain ng simpleng pamilyang Pilipino.