Binawian ng buhay ang isang 35- anyos na kahero ng Andok’s Manok nang makuryente sa loob ng kanilang puwestong binaha matapos bumuhos ang malakas na ulan kamakalawa ng gabi sa Jose Abad Santos St., Tondo, Manila.
Kinilala ang biktima na si Welington Harcia, 35, kahero sa Andoks Manok at residente ng Building 41, Permanent Housing sa Barangay 128, Balut Tondo ,Manila.
Nabatid na nasawi ang biktima sanhi ng nasunog na katawan mula sa malakas na boltahe ng kuryente sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District PS 2, naganap ang insidente dakong alas-7:29 ng gabi habang nililinis ng biktima at ni Filemon Romero, store manager, ang tindahan na pinasok ng baha ay biglang nag-brownout.
Makaraan ang ilang minuto ay nagbalik ang kuryente at narinig ni Romero ang malakas na sigaw ng biktima na siya’y nakuryente.
Agad na nagtungo si Romero sa Barangay hall upang humingi ng tulong para madala ang biktima sa ospital ngunit idineklara siyang dead-on-arrival ng mga doktor ng JRMMC sanhi ng ” Fatal Arrhythmia Secondary to Electric Injury.”