May tungkulin ang administrasyong Marcos Jr. na imbestigahan ang mga pangungutang ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na naging dahilan ng paglobo ng utang ng Pilipinas sa kasalukuyang estado nito.
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, dapat mabatid kung naging makatarungan ang mga kondisyong pinasok ni Duterte sa pangungutang at kung nagamit ba sa tama ang pera.
Iniulat ng Bureau of Treasury kamakailan na umabot na sa Php14.1 trilyon ang utang ng bansa noong Mayo 2023.
“The past Duterte administraton must also be held to account for the P6.7 trillion national debt, where roughly only 10 percent, or around P616 billion, was disbursed for COVID response. Many of these loans are questionable in nature, with these sources funding infrastructure projects na sana ipinahinto muna dahil sa pandemya,” giit ng mambabatas.
Idinagdag ng gurong solon na kailangang isaalang-alang ang mga utang na ito lalo na’t tumanggi ang gobyerno na suspendihin ang mga excise tax sa gasolina para lamang mabayaran ang mga utang na ito.
Dahil dito, ang pambansang pamahalaan ay nakakuha ng P132.6 bilyon excise tax mula sa imported na petrolyo sa taong 2022 o 10.7 porsiyento o higit pa sa P119.8 bilyon na nakolekta nito noong 2021.
Sa ngayon, ang mga koleksyon ng excise tax sa gasolina lamang ay higit sa P500 bilyon mula noong 2018, anang solon.
Binigyan diin ni Castro na hindi lang kailangan imbestigahan at kasuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga naglustay sa mga inutang, hindi na rinniya dapat dagdagan pa ito.
“Pres. Marcos Jr. should not only investigate and prosecute those who squandered these borrowings but not to add to them as well,”sabi ni Castro.
“Kung magtutuloy- tuloy ang pangungutang ng gobyernong ito.Mababaon talaga ang mga Pilipino sa utang at mangyayari ulit ang dating panahon ni Marcos Sr., tapos ngayon ay may lakas pa ng loob si Marcos Jr. na kumuha ng public funds para sa Maharlika Investment Fund kesa gamitin sa social services,” pagwawakas ng mambabatas.