Puspusan na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Marikina City para sa nalalapit na Palarong Pambansa.
Masyadong abala ang Ama ng Lungsod na si Mayor Marcy Teodoro dahil sa mga nakalipas na dalawa o tatlong buwan eh halos araw-araw itong nag-iikot sa mga playing venues at billeting schools para tiyakin ang kahandaan ng lungsod bilang host ng nasabing sporting event ngayong taon.
Bukod pa riyan, madalas ding kinakausap ng alkalde ang mga guro at ilang ahensya ng pamahalaan na bahagi rin ng aktibidad na ito, maging ang mga barangay officials at ilang mga organisasyon na boluntaryong tumutulong para maging maayos ang nalalapit na pagbubukas ng taunang patimpalak sa palakasan.
Pinangunahan ni Mayor Marcy kamakailan ang pagsukat sa kahandaan ng lungsod sa nasabing palaro sa pamamagitan ng parade at opening program simulation.
Humigit-kumulang 1,500 mag-aaral, technical officials, punong-guro, guro, at mga opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod ang nakilahok sa nasabing simulation exercises.
Tagubilin ng alkalde na gawing higit na masaya, makulay, at puno ng sigla ang parada at palatuntunan sa pagbubukas ng Palarong Pambansa 2023.
Puspusan din ang paghahanda ng lungsod sa iba pang aspeto ng pagdaraos nito tulad ng kalinisan at kaayusan sa mga playing venues at billeting venues at mga pasilidad dito.
Tagubilin din ni Mayor Marcy ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa lungsod sa pangkalahatan.
Nagsagawa rin ng bike tour simulation ang lungsod bilang bahagi pa rin ng kanilang paghahanda sa nalalapit na pagdarao ng Palarong Pambansa 2023.
Nilahukan ng mga piling tagapamahala ng mga tanggapan ng pamahalaang panglungsod at Department of Education-Marikina, at mga bike enthusiasts ang nasabing bike tour activity.
Samantala, nasa 75 porsyento na ang natatapos sa pagsasaayos sa oval track area ng Marikina Sports Center. Maingat na inilatag ang tartan sa track oval upang tiyaking magiging ligtas ito sa mga manlalaro.
Tiniyak din ng alkalde na istrikto nilang ipapatupad ang pagsunod sa minimum health safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng Covid-19 habang isinasagawa ang nasabing palaro sa lungsod.
Ayon kay Mayor Marcy, magsasagawa sila ng antigen testing at maglalagay ng mga medical station sa mga billeting areas para regular na mamo-monitor ang health condition ng mga batang manlalaro at iba pang mga delegado.
Anya, hindi pa rin dapat magpakampante dahil nandyan pa rin ang banta ng Covid-19 at ito ang kauna-unahang Palarong Pambansa mula ideklara ang COVID-19 pandemic kung saan maglalaro ang mga batang atleta sa ilalim ng “new normal.”
Bubuksan ang taunang patimpalak sa palakasan sa Hulyo 31, 2023 sa Marikina Sports Center. Susundan ito ng aktuwal na mga laro sa Agosto 1-5 sa kanya-kanyang nakatalagang playing venues hanggang sa closing ceremonies nito sa Agosto 5.