Dapat tiyakin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakaloob ng insurance at indemnification upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang inaasahang epekto ng El Niño sa bansa sa huling bahagi ng taong ito.
Sinabi ni Jayson Cainglet, ang executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), posibleng maramdaman ang epekto ng El Niño sa susunod na panahon ng pagtatanim sa Nobyembre at Disyembre.
Sa ngayon aniya ay naghihintay sila ng opisyal na anunsyo kung aling mga lugar ang maaapektuhan ng dry spell.
“Dapat meron silang assurance na kapag nagtanim sila at may mga pinsala dahil sa kalamidad, sana meron kaagad insurance coverage at indemnification para sa magsasaka ay makapagtanim agad,” ani Cainglet sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
Nakikipag-usap na aniya ang kanilang grupo sa pamahalaan kaugnay sa isyu.
Idineklara noong Martes ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng El Niño habang umiinit ang karagatan sa gitnang equatorial Pacific at hanggang Oktubre lamang mararamdaman ang epekto ng weather phenomenon.
Sa projection nito, sinabi ng PAGASA na 36 na lugar, kabilang ang Metro Manila, ang maaaring makaranas ng dry spell o below-normal rainfall sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan sa Disyembre.
Ang El Niño ay posibleng magpapatuloy hanggang sa unang quarter ng 2024. Sa ngayon, maaaring asahan ang mga pag-ulan hanggang Setyembre.
Kinilala ng Department of Agriculture (DA), na pinamumunuan ni Marcos Jr, ang pinsalang idudulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Tiniyak niya na gumagawa ng mga hakbang ng DA upang maseguro ang kasapatan ng suplay ng pagkain.
Binuhay ng Pangulo ang El Niño Task Force upang matugunan ang mga alalahanin tungkol sa dry spell.
Ngunit kailangan tiyakin din ni Marcos Jr. na hindi magagamit ang El Niño ng mga mapagsamantalang negosyante at mga kasabwat nilang mga kawatan sa gobyerno .
Sana nama’y natuto na siya sa naging karanasan sa COVID-19 panedemic na naging instrumento para lalong magpayaman ang mga nasa poder at kanilang mga kaalyadong negosyante.