IPINAGBAWAL ng Vietnam ang inaabangang pelikulang “Barbie” ng Warner Bros. mula sa domestic distribution bunsod ng isang eksenang nagtatampok sa“nine-dash line” map na ginagamit ng China para angkinin ang South China Sea (SCS).
Ang hugis-U na “nine-dash line” ay ginagamit sa mga mapa ng China upang ilarawan ang mga pag-aangkin nito sa malalawak na lugar ng SCS, kabilang ang mga bahagi ng itinuturing ng Vietnam na continental shelf nito, kung saan naggawad ito ng mga konsesyon ng langis.
Ang “Barbie” ay ang pinakabagong pelikula na hindi pinayagang maipalabas sa Vietnam dahil sa paglalarawan ng kontrobersyal na nine-dash line ng China, na ibinasura sa isang international arbitration ruling sa The Hague noong 2016.
Hanggang sa kasalukuyan ay ayaw kilalanin ng China ang desisyon ng arbitral court.
Noong 2019, ipinagbawal ng gobyerno ng Vietnam na maipalabas ang animated film ng DreamWorks na “Abominable,” at noong nakaraang taon ay hindi rin pinayagan ang action movie ng Sony na “Unchartered” sa parehong dahilan. Inalis din ng Netflix ang isang spy drama sa Australia, ang “Pine Gap,” noong 2021.
Ang “Barbie,” na pinagbibidahan nina Margot Robbie at Ryan Gosling, ay orihinal na nakatakdang magbukas sa Vietnam noong Hulyo 21, sa parehong petsa tulad ng sa Estados Unidos, ayon sa state-run newspaer Tuoi Tre.
Maliban sa Vietnam, ang iba pang inaagawan ng China ng teritoryo sa SCS ay ang Pilipinas, Brunei,
Taiwan, Malaysia at Indonesia.