KAHIT naglabas na ng final ruling ang Korte Suprema hinggil sa usapin ng sampung barangay sa Makati City na ngayon ay sakop na ng Taguig City, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang pamunuan ng lungsod ng Makati.
Ang overall feeling kasi ng mga residente ay malungkot at ayaw nilang isipin na sila ay mapupunta na sa Taguig, dahil mayorya sa kanila ay dito na isinilang at nagkaisip.
Wala sa hinagap ng tinatayang 200,000 residente na sa isang iglap iba na ang siyudad na makakasakop sa kanila.
Karamihan sa kanila ay nababahala sa benepisyong kanilang tinatanggap sa Makati City na tila baga mawawalang bigla dahil mapupunta na sila sa pamumuno ng Taguig.
Dangan kasi’y halos lahat ng benepisyo na tinaguriang “From womb to tomb” at tinatamasa ng Makatizen ni Mayora Abby Binay sampu ng kanyang Team UNITED, First District Cong. Luis Campos at Second District Cong. Kid Pena.
Sabi ng karamihang residente sa mga apektadong barangay, sana ay magbago ang ihip ng hangin at manatili sila sa Makati City.
Mahirap nga naman na basta na lamang mawawala ang kanilang kinagisnan na serbisyo mula pa noon.
Ngunit ang sabi nga, the law may be harsh, but that is the law.
Anyway, habang nagbabadya ang tila masamang panaginip ay naghahanap ng lunas ang pamunuan ng Makati City.
Samantalang ang liderato ng Taguig sa ilalim ni Mayor Lani Cayetano ay humihingi ng pang-unawa sa mga residente dahil kaya naman daw nilang ibigay ang nararapat na serbisyo na katulad ng kinagisnan ng mga residente ng nabanggit na mga barangay.
Anila sa isang press statement matapos na madeny ang Second motion for consideration na dapat tanggapin na lamang ang desisyon ng SC at nangako ng isang panibagong simula sa mga residente sa ilalim ng kanilang pamumuno.
Hangga’t walang writ of execution na inilalabas para sa takeover ay nananatiling umaasa ang mga residente na magiging maayos ang lahat at magkaroon ng win-win solution sa usapin.
Isa pang isyu, naghahabol din ang munisipalidad ng Pateros sa kaparehong teritoryo na EMBO-EMBO, sa Pasig RTC.
Ibig sabihin nga pala ng EMBO ay enlisted men’s barrio, dahil nga military reservation ang lugar at talagang mga sundalo ang nakatira.
Anyway, salamat po sa pamunuan ng Daily Tribune sa pagbibigay ng pagkakataon na makapagsulat ng pitak sa pahayagang Dyaryo Tirada. DIYOS MABALOS.