NAIHANAY ang Pilipinas bilang isa sa sampung pinakamasahol na bansa sa buong mundo para sa mga manggagawa, batay sa Global Rights Index 2023.
Kasama ng Pilipinas sa top 10 ang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Guatemala, Myanmar, Tunisia, at Turkey.
Naging batayan kaya napasama ang Pilipinas sa listahan ay ang mga insidente ng karahasan laban sa mga unyonista, pag-aresto sa mga unyonista at pagsira ng unyon.
“Workers and their representatives in the Philippines remained particularly vulnerable to red-tagging, violent attacks, abductions and arbitrary arrests. Workers across many sectors still faced significant obstacles when attempting to form trade unions,” ayon sa ulat.
Kung magpapatuloy ang naturang kalakaran sa Pilipinas, mababalewala ang pagsusumikap ng pamahalaan na akitin ang mga negosyanteng dayuhan na maglagak ng puhunan sa ating bansa.
Sino ang kapitalistang magkakainteres na mamuhunan sa isang bansang walang naibibibigay na sapat na proteksyon sa kanyang mga manggagawa?
“Love the Philippines” ang PHL tourism slogan na ipinagmamalaki ng administrasyon, ibig sabihin, hinihimok ang mga turistang dayuhan na mahalin at tangkilikin ang ating bansa.
Mas mainam kung mismong gobyerno ay mahalin ang sariling mga manggagawa, bigyan ng nakabubuhay na sahod, igalang ang kanilang karapatan na mag-organisa, at pagkalooban ng sapat na benepisyo, ‘ika nga “Love the Filipino workers.”