NAGHIHIMAS ng malamig na rehas ang apat na dayuhan matapos pagpupunitin ang watawat ng Pilipinas dahil sa inis sa sinagupang matinding traffic sa Ternate, Cavite kamakalawa.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr.,patungo sana ang mga suspect sa Puerto Azul ngunit naipit sa mahigpit na daloy ng trapiko, ayon sa report ng GMA News.
Tinukoy ang mga suspek na sina Sharoon Manzoor, 29, Shahid Manzoor, 45, Shamail Jalal, 36, mga Pakistani at Ioan Oprescu na isang Romanian national.
Nadismaya umano ng husto ang mga dayuhan kaya’t hinatak at sinira ang bandera ng Pilipinas na nakasabit sa flag pole sa Marine Base Gregorio Lim.
Nasaksihan ng isang opisyal ng Philippine Marines ang pambabastos ng mga dayuhan sa watawat at agad na inireport ito sa PNP kaya mabilis na nadakip ang mga suspect.
“Disrespecting the Philippine National Flag is a grave violation that demands our utmost attention and must not be disregarded. It is our duty to uphold the honor and dignity of our flag, and individuals found guilty of such acts will be held accountable under the law,” ani Acorda.
Sinampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines at nahaharap sa hanggang isang taong pagkabilanggo at Php20,000 multa kapag nahatulang guilty ng hukuman.