Ang bagong tourism slogan na “mahalin ang Pilipinas” ay dapat basahin bilang ‘Mahal sa Pilipinas’ dahil ito ay sumasalamin sa cost-of-living crisis na nabigong tugunan ng gobyerno.
Gaya ng patuloy na kawalan ng aksyon na magbigay ng malaking dagdag sahod sa mga manggagawa, pribatisasyon ng mga pampublikong ari-arian, at ang pakikipagsabwatan ng gobyerno sa smuggling at pag-iimbak ng mga produktong pang-agrikultura.
Kamakailan din ay inaprubahan ang panukalang pagtaas ng pamasahe sa LRT.
Mahal sa Philippines, ang tamang slogan para sa unang anibersaryo ng administrasyon, ayon sa ilang progresibong grupo.
Kung tutuusin, may katwiran sila, napakamahal naman kasi ng presyo ng mga bilihin sa ating bansa, lalo na ang pagkain.
Hindi talaga sapat ang kakarampot na Php40 na umento sa minimum wage sa Metro Manila para mamuhay ng marangal ang pamilya ng isang ordinaryo manggagawa.
Maraming kuwestiyon pa rin sa ideya ng administrasyon na ang lokal na pag-unlad ay ang pagsama-samahin ang mga mapagkukunan ng pamahalaan at isusugal ito sa mga speculative financial activities sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund.
Ngayon pa lamang ay malaki na ang lamat ng political dynasty cartel sa bansa, dahil na rin sa kanilang tunggalian para sa kapangyarihan bago ang halalan sa 2028.
‘Yan ang kanilang pinagkakaabalahan, imbes tugunan ang problema sa kahirapan, walang katiyakan na trabaho, gutom, at talamak na paglabag sa karapatang pantao.
Sana naman ay matauhan ang mga opisyal ng bayan at isapuso ang serbisyo-publiko dahil iyan ang sinumpaan nilang tungkulin at iyan din ang dahilan kaya sila iniluklok ng taong bayan.