MAAARING itaas ang minimum wage sa bansa sa lalong madaling panahon upang matiyak na ang sektor ng paggawa ay mapoprotektahan mula sa mabilis na paglawak ng ekonomiya.
Sinabi ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos sa courtesy call sa Malacañang ni International Labor Organization (ILO) Director General Gilbert F. Houngbo kamakalawa.
Anang Pangulo, nakikiisa ang kanyang administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa mga manggagawa at mga labor union at organisasyon upang magkaroon ng balanse at maibsan ang “inflationary pressures” sa mga obrero.
Kompiyansa siya na ang kanilang mga negosasyon sa mga manggagawa, sa mga unyon ay aabot sa isang magandang kompromiso.
Sa kasalukuyan ang minimum wage sa bansa ay nasa pagitan ng Php372 at Php610, depende sa rehiyon kung saan matatagpuan ang negosyo.
Ang kasalukuyang Php570 daily minimum wage sa National Capital Region (NCR), na ngayon ay Php610 na, ay malayo pa rin sa Php1,133 arawang sahod na kailangan para masuportahan ang isang pamilyang may limang miyembro.
Ngayong kumibo na si PBBM, hindi na masasabing blangko ang kanyang labor agenda.
Umaasa ang mga obrero na ituring sila bilang prayoridad ng administrasyon.
Maraming labor groups ang halos isang taon nang umaasa na maglalabas si PBBM ng isang executive order na nagbibigay ng dagdag sahod o sertipikahan bilang urgent ang nakabinbing wage bill sa Kongreso.
Panawagan ng labor groups, sahod na hindi bababa sa Php1,100 kada araw para sa pribadong sektor at Php33,000 kada buwan para sa pampublikong sektor.
Bukod sa pagtaas ng sahod, iginiit ng mga manggagawa ang mas maraming trabaho, de-kalidad na serbisyo publiko at mga karapatan sa paggawa.
Nais din nilang itigil ng gobyerno ang pagbibigay ng tax incentives at (tax) holidays sa mga kartel ng langis, mga kartel ng asukal at iba pang mga kartel na umunlad at magpatuloy sa kanilang mga oportunistang pakana.
Nakabinbin ang Senate Bill No. 2002 o ang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023 ni Senate President Juan Miguel Zubiri na naglalayong dagdagan ng Php150. 00 ang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.
Kung nagawa ni PBBM na sertipikahan Maharlika Investment Fund bilang urgent bill,wala tayong nakikitang dahilan para hindi niya ito gawin sa panukalang batas ni Zubiri lalo na’t lumalatay sa buhay ng ordinaryong mamamayan ang taas ng presyo ng mga bilihin.