SAN JOSE, Occidental Mindoro — Naghahanda na ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at iba pang kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa posibleng epekto ng El Niño sa ani ng iba’t ibang produktong agrikultura sa probinsya.
Sa ginanap na virtual PDRRMC meeting, ibinahagi ni OIC-OPA Engineer Alriza Zubiri ang kakaharapin ng lalawigan dala ng El Niño Phenomenon na posibleng maranasan simula buwan ng Hulyo hanggang sa unang bahagi ng taong 2024. Kasunod nito ay inihanay din ng opisyal ang mga posibleng hakbang upang mabawasan ang masamang epekto ng kalamidad sa sektor ng sakahan.
Ayon kay Zubiri, malaki ang posibilidad na kapusin sa tubig ang mga taniman dahil kabilang ang probinsya sa mga lugar na mababawasan ang ulan habang tatagal naman ang matinding init dulot ng El Niño, batay sa pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG ASA). Posible rin, ayon pa sa opisyal, na bumaba ang water level sa mga ilog at iba pang pinagkukunan ng patubig.
Si OIC-OPA Engineer Alriza Zubiri, sa isang programa ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga katutubo. (PIO OccMdo)
Bukod sa kakulangan sa tubig, problema rin ang mga sakit at peste sa mga pananim tuwing tag-init. Ani Zubiri, batay sa historical data na hawak ng kanilang tanggapan, mas umaatake ang mga daga at army worms kapag may El Niño.
Aabot sa 26,742 ektarya ng rainfed areas o lupang sakahan na umaasa sa tubig ulan ang tatamaan ng darating na El Niño. Bunsod nito ay maaaring umabot sa 70% ang pagkalugi sa lahat ng agricultural commodities, lalo na ang palay sakaling matapat ang matinding init sa reproductive stage ng butil o panahon ng paglalaman.
Bilang tugon, naghanay ng mga interbensyon ang OPA na aagapay sa mga magsasaka sa masamang epekto ng El Niño kabilang dito ang pamamahagi ng mga binhi ng sibuyas, mais, mungbean, at mga gulay, gayundin ng certified at hybrid palay seeds; dapat din aniyang magbigay ang pamahalaan ng mga pestisidyo o pamatay-peste at ng mga shallow tubewell; at magsagawa ng masusing pagbabantay o monitoring sa mga sakahan na maapektuhan ng El Niño.
Samantala, nakatakdang makipag-ugnayan si Zubiri sa National Food Authority (NFA) upang matiyak na may sapat na suplay ng bigas sa probinsya lalo na sa panahon ng El Niño.