MAAARING muling maharap sa legal problem si Sen. Robin Padilla matapos niyang ibalandra sa publiko ang pagmamay-aring mga armas sa kanyang social media account kamakailan.
Si Padilla ay dati nang nahatulan ng walong taong pagkabilanggo sa kasong illegal possession of firearms noong 1994 at pinagkalooban ng conditional pardon ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1998 at binigyan ng absolute pardon ni dating Presidente Rodrigo Duterte noong 2016.
Ibinida ni Padilla noong nakaraang Lunes, Hunyo 26, sa Facebook live ang kanyang mga armas, pati ang pagkasa ng pistol at high-powered rifle ay kanyang iminuwestra habang nasa gun shop sa Taguig City.
Ayon sa senador, dinala niya sa nasabing lugar para ipalinis ang kanyang mga armas na pawang mga lisensyado, gaya ng ay 1 CZ Checkmate 9mm; 1 CZ.45; 3 CZ Shadow 9MM;1 CZ 9mm with suppressor; 1 CZ pocket pistol 9mm; 19mm AK SAIGA at 15.56 CZ Bren.
Ayon kay retired police general Danilo Maligalig, ang dating hepe ng Operations and Management Division ng firearms and explosives unit ng Philippine National Police (PNP), bagama’t isang reservist captain ng Philippine Army ang senador, dapat ay nasa isang secured na display cabinet o secured na silid ang mga armas ni Padilla, alinsunod sa Republic Act 10591 o An Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
“Supposed to be, ang rule diyan is naka-display siya sa isang secured na display cabinet o secured na room. Nung ginagawa namin yung draft ng batas eh, it is unimaginable na this can happen, you can display it in public. Most especially that if a good senator is the one who did that.,” ani Maligalig sa panayam sa Frontline Tonight sa News5 kamakalawa.
“Parang may technicality kasi eh. As you said, he has the permit to carry firearms. Pero in a way, he has a violation there, kasi pinalinis niya – ang firearms natin (shows firearms license) – you have your address there, nakalagay. So ang address na yon is the only legal place where you can stack your firearms,” paliwanag ni Maligalig.
Aniya, maging ang automatic rifle ni Padilla ay hindi naman puwedeng gamitin ng senador kapag hindi niya suot ang kanyang uniporme bilang Army reservist.
“I believe he can use it only when he is in full uniform. And mind you, yung permit to carry is not absolute. Imagine he has more than 15 guns. Ang pwede lang gumamit non is the licensee. And the one having the name dun sa registration of firearms. So can you imagine the good senator carrying all the 15 guns?” giit niya.
Maging ang suppressor o silencer na ikinabit ni Padilla sa kanyang baril ay ipinagbabawal din sa batas, ani Maligalig.
“Suppressors are given only to special forces. If anyone can possess a suppressor, grabe ang assassination diyan. Kasi pwede kang tumumba nang di mo naririnig yung tumama sayo,” wika niya.
“ Siguro pwede niya ikabit yung suppressor pero he will have to demilitarize the firearm na ginamit niya. Para hindi siya magamit. Demilitarization would entail pulling out the firing pin and the plug in the barrel. Ayon, madidisplay mo yon, pero hindi siya threat dahil hindi magagamit,” dagdag niya.
May ilang netizens din ang nagtatanong hinggil sa karapatang magmay-ari ng baril ni Padilla bilang isang ex-convict dahil nakasaad sa Section 4 ng RA 10591, “the applicant for the gun license has not been convicted of any crime involving moral turpitude.”