PUERTO PRINCESA CITY, Palawan – Inilipat ng Bureau of Corrections (BUCOR) ang 500 persons deprived of liberty (PDL) sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa City, Palawan bilang tugon sa problema sa siksikan sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa at sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong.
Dumating ang PDLs sa pantalan sa Puerto Princesa kamakalawa ng gabi sakay ng 2GO vessel M/V St. Francis Xavier.
Ang relokasyon ay hudyat ng simula ng mas malawak na planong ilipat ang may 2,500 PDLs sa Iwahig at magtayo ng correctional facility para sa kababaihan sa Palawan.
“This initiative is a component of President Bongbong Marcos Jr.’s Philippine Development Plan, aimed at regionalizin the incarceration of PDLs in order to accelerate their rehabilitation and facilitate the improvement of prison facilities,” sabi ni BuCor Director-General Gregorio Catapang Jr.
Mas gusto aniya ng PDLs na manatili sa Iwahig kaysa magdusa sa mala-sardinas na siksikan sa NBP at Correctional.
Labintatlong bus ang inarkila ng BuCor upang ihatid ang male inmates sa Inagawan Sub-Colony habang ang female inmates ay sa hiwalay na penal facility sa Barangay Sta. Lucia.
Ang mga elemento ng 3rd Marine Brigade at Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force ang nagbigay seguridad sa paglipat sa inmates sa lalawigan.
Matapos ang kanilang relokasyon, tiniyak ni Catapang na isusulong ang pagpapatupad ng “Barrio Libertad”, isang programang nagpapahintulot sa PDLs na nasa minimum security na tumira kasama ang pamilya habang tinatapos ang natitirang taon ng kanilang sentensya.
Ang konsepto ng Barrio Libertad ay ipinatutupad mula pa noong dekada ‘70 na ang mga anak ng PDLs ay nakapag-aaral sa mga eskuwelahan sa loob ng sub-colonies.
“I just need to level the areas, and I will continue with that. It used to be like that before — there was only one who escaped, and they decided to put them back in prison. Now, I have added more guards, so hopefully, they won’t escape anymore. They will be with their families,” ani Catapang. (CELESTE ANNA FORMOSO)