ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sina retired Maj. Gen. Nolasco Mempin, bilang undersecretary at retired Brig. Gen. Noel Baluyan bilang assistant secretary ng Department of Education.
Dating commander ng 10th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Davao Region at naging commander si Mempin ng Task Force Davao noong alkalde pa ng Davao City si Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Nabatid na noon pang Marso ay konektado na si Mempin sa DepEd bilang “highly technical consultant” at kabilang sa kanyang tungkulin ay magbigay ng high-level policy advice sa mga usaping “confidential” habang si Baluyan ay naging assistant division commander ng 3rd Infantry Division bago nagretiro noong Disyembre 2022.
Umalma ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa appointment nina Mempin at Baluyan dahil banta anila ito sa demokratikong karapatan ng mga guro.
Katuwiran nila, hindi makatutulong para maresolba ang krisis sa edukasyon ang pagtalaga kina Mempin at Baluyan.
Panawagan nila sa administrasyong Marcos Jr, itigil ang militarisasyon sa DepEd.
Hinimok din nila ang mga guro sa bansa na maging masigasig sa paninindigan para sa karapatan ng mga mamamayan sa angkop na edukasyon.