IMBES patayin, dapat palakasin ng gobyerno ang lokal na industriya ng asukal.
Malinaw na death sentence para sa local sugar industry ang planong sugar import liberalization ni Finance Secretary Benjamin Diokno, ayon kay Manuel Lamata, presidente ng Sugar Producers Federation group sa isang panayam sa programang Ted Failon at DJ Chacha sa Radyo Singko noong Lunes.
Sa panukala kasi ni Diokno, parang free for all na ang pag-aangkat ng asukal kaya’t ang pangamba ni Lamata, baka wala nang magtanim ng tubo sa Pilipinas.
“If everybody can import sugar, who is going to plant sugar? Wala na,” giit niya.
Pahayag ni Lamata, dapat mas pagtuunan ng pansin ang sistema ng pagkolekta sa mga buwis
ng mga “sweetened products” kaysa magpataw ng karagdagang tax dito.
“Ang dapat na lang i-concentrate ay yung collection nila. ‘Dun sila dapat tututok. They should strengthen the collection. Sa tingin ko, somebody was telling me (I don’t know if this is true, it would be best kung maimbestiga mo ito), 40% lang daw yung batting average nila of collection ng taxes ng mga tetra pack, sugar beverages. They should strengthen that instead of additional taxes na naman,” paliwanag niya.
Ang makikinabang aniya sa sugar import liberalization ni Diokno ay ang malalaking negosyo habang pinsala naman ang dulot sa sugar industry, pati na sa mga konsyumer.
“Kami po, we were born and raised in the sugar industry. Alam po namin ang nangyayari. Etong pino-propose mo (Diokno) is the death row of our sugar industry,” aniya.
Dapat pakinggan ni Diokno ang mga sinasabi ng mga tulad ni Lamata na isa sa mga stakeholder at kabisado ang pasikut-sikot sa sugar industry.
Kung talagang may malasakit si Finance secrertary sa bayan, aba’y may panahon pa para isalba niya ang mga magsasaka na tila unti-unting pinapatay ang kabuhayan ng mga kontra-mamamayang patakaran na masigasig niyang ipinupursige.
Ayaw nating maniwala sa opinyon ng ilan na simula nang hawakan nila Diokno ang National Economic and Development Authority (NEDA), Budget Department at DOF, hindi lumago ang ekonomiya at lalo pang nabangkarote.