WORLD class ang Pilipinas pagdating sa child brides, na ika-12 sa mundo, ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF).
Ibinunyag ng 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS) na isa sa anim na babaeng Pinay o 16.6% ay nagpapakasal bago sila maging 18-anyos.
Ang mga resulta ng 2021 Young Adolescent Fertility Survey (YAFS5) na isinagawa ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) ay nagpakita na 386,000 bata ang nagsimulang magkaanak sa pagitan ng edad na 15 at 19, mga edad na may mga panganib na makaranas sila ng pisikal, sekswal at emosyonal na karahasan,ayon sa NDHS noong 2013 at 2017.
Bagama’t talagang bumaba ang teenage pregnancy sa 5.4% noong nakaraang taon mula sa 8.6% noong 2017, dalawang rehiyon-Cordillera Administrative Region (CAR) at Western Visayas- ang nagpakita ng pagtaas ng pagbubuntis, ayon sa National Demographic and Health Survey (NDHS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa 2022 NDHS, ang antas ng pagbubuntis ng kabataan ay pinakamataas sa mga mahihirap at sa mga nakatapos o hindi nakatapos ng elementarya.
Kabilang sa mas mayamang bahagi ng populasyon, ang teenage pregnancy ay limitado lamang sa 1.8%. Sa pangkalahatan, ang rate ng pagbubuntis ng kabataan ay mas mataas sa mga probinsya.
Dahil sa nakababahalang katohahanang ito, ang Women’s Global Network for Reproductive Rights (WGNRR), ang National Anti-Poverty Commission-Youth and Student Sectoral Council (NYSSC) ay nagsagawa ng isang forum kamakailan upang talakayin ang Adolescent Pregnancy Prevention (APP) bill (House Bill 79) at Senate Bill 372, na parehong idinisenyo upang radikal na bawasan ang teenage pregnancy.
Ang HB 79 at SB 372 ay nagbibigay ng isang balangkas upang matugunan ang mga pagbubuntis ng kabataan, kabilang ang komprehensibong edukasyon sa sekswalidad (CSE), pag-access sa mga serbisyo, at suporta sa proteksyong panlipunan para sa mga ina at magulang ng kabataan.
Ang mga katulad na hakbang ay pinag-uusapan din sa Senado. Sa forum, tinalakay ni Kabataan Rep. Raoul Daniel Manuel ang pangangailangang kasangkot ang mga paaralan, komunidad at mga magulang sa pagbabawas ng insidente ng teenage pregnancy.
Ang pagbubuntis ng kabataan ay hindi kinakailangang nauugnay sa mga pag-aasawa nang bata dahil marami sa mga batang babae na may mga anak ay ginawa ito nang walang kasal.
May ilang mga opsyon para maiwasan ang teenage pregnancy: Una ay ang pagbibigay ng trabaho sa mahihirap na magulang; pangalawa ay bombahin ang mga bata ng naaangkop na mga aralin sa sekswal at reproductive health na nagtuturo sa kanila na ang sex ay hindi palaging kasiyahan at ang panganganak ay maaaring maging napakahirap, at; pangatlo, kailangan ang maturity para sa matrimony.