MAGPAPATUPAD ng total ban ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela laban sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Inianunsyo ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na inaprobahan na ng City Council ang ordinansa na nagba-ban sa STL at POGO sa kanilang lungsod.
“Wala pa naman POGO operations dito, wala rin STL operations pero ayaw na namin hintayin pa na pumasok pa sa siyudad at makasira pa ng buhay ang gambling,” sabi ni Gatchalian sa press conference sa 3rd Spectacular Auto Show kamakalawa ng gabi.
“Nakita po natin na kahit nagdadala ng hindi naman ganun kalakihang revenue ang POGO sa ating bansa, mas mabigat po ang social impact of crimes, prostitution, money laundering kaya inunahan na natin, nagpasya na po tayo,” dagdag niya.
May kapangyarihan naman aniya ang lokal na pamahalaan, alinsunod sa Local Government Code, na magdesisyon na ipagbawal ang anomang uri ng sugal kahit ito ay regulated pa ng mga ahensya ng pamahalaan.