SINISI ng isang solon ang Amerika sa paglala ng nurse shortage sa Pilipinas.
“To address their own shortages, American hospitals and staffing agencies are now aggressively recruiting Filipino nurses,”ayon kay Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo.
Hanggang sa mga Pinoy nurse na nagtatrabaho na sa Middle East ay puspusan aniya ang recruitment ng mga Amerikano.
Batay sa pagtataya ng U.S. Bureau of Labor Statistics (BLS), magkakaroon ng average na 203,200 na bakanteng trabaho para sa mga rehistradong nars bawat taon sa susunod na dekada.
Bunga umano ito nang paglipat ng ibang trabaho o nakatakdang pagretiro ng mga nars sa US.
Ang mga nars sa Amerika ay tumatanggap ng annual median wage na $77,600, o katumbas ng humigit-kumulang P4.3 milyon, ayon sa kawanihan ng U.S.
Isinusulong ni Rillo ang House Bill No. 5276 — na naglalayong itaas ng hanggang P63,997 ang entry-level na buwanang suweldo ng mga nars na nagtatrabaho sa gobyerno.
Sa Senado, inihain ni Sen. Sonny Angara ang Senate Bill No. 638, na naglalayong itaas sa P51,357 ang panimulang buwanang suweldo ng mga pampublikong nars.
Ang panimulang buwanang sahod ng mga pampublikong nars ay kasalukuyang naka-pegged sa P36,619 lamang sa ilalim ng Philippine Nursing Act of 2002 at ang Salary Standardization Law of 2019.
Nauna nang tinanggihan ng mga senador ang plano ni Health Acting Secretary Teodoro Herbosa na pansamantalang kumuha ng mga nursing board flunkers para punan ang 4,500 na permanent vacant position sa mahigit 70 ospital na pinamamahalaan ng Department of Health (DOH).