INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang todong suporta sa LGBTQ+ community sa pagdiriwang ngayong Hunyo bilang Pride Month.
“Ito ang pagtataas natin ng bandera ng ating mga LGBTQ+ community. Mahalaga ang patuloy na pagsuporta, pagrespeto at pagkilala sa kanilang mahalagang ginagampanang papel at bahagi sa ating lipunan,” mensahe ng Pangulo sa kanyang vlog.
“Ang kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa iba’t ibang larangan, nakikipagsabayan kaninoman ang mga responsible at walang kapagurang tagapagtaguyod ng kanilang pamilya at tahanan. Palakpakan natin sila at ipagmalaki dahil sa kanilang pagsasabuhay ng husay at galing nating mga Pilipino,” dagdag niya.
Tiniyak niyang sa ilalim ng kanyang administrasyon ay walang diskriminasyon at pagkutyang mararanasan ang mga miyembro ng LGBTQ + community sa bansa.
“Sa Bagong Pilipinas, ang mga Pilipino ay malaya. At sa Bagong Pilipinas, ang Pilipino ay malawak ang isipan , malaya sa diskriminasyon o pagkutya. ‘Yan ang mensaheng ipagpapatuloy natin.”