HALOS pitong taon na ang lumipas mula iwasiwas ng gobyerno ang digmaan kontra illegal drugs sa bansa.
Libu-libong katao ang namatay at bilyun-bilyong halaga ng shabu ang nakompiska pero hanggang ngayon ay itinuturing pa rin itong isa sa mga banta sa ating national security.
Nabunyag ang tindi at lawak ng operasyon ng illegal drugs sa Pilipinas sa pagkakasangkot ng ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa drug syndicate.
Punumpuno ng drama ang ginanap na mga pagdinig sa Kongreso sa malaking kahihiyang ito sa PNP pero walang napigang impormasyon kung sino ang leader ng drug syndicate sa pambansang pulisya.
Hindi kasi dapat pinagtuuunan ng gobyerno ang pagtrato sa suliranin sa illegal drugs bilang isang kriminal na problema na malulutas lamang ng mga alagad ng batas.
Dapat itong ituring nang sabay-sabay bilang isang three-sided issue : ito ay isang kriminal na problema, ito ay isang problema sa kalusugan at isang pang-ekonomiyang problema.
Dapat matugunan ito gamit ang isang holistic approach at nakabatay sa pangangailangan nang pagpapakilos at paglahok ng lahat ng mga stakeholder, partikular na ang komunidad.
Ang pinagsamang mga hakbangin ng lokal na pamahalaan , pribadong sektor, at ng Simbahan ay lubos na makakatulong sa drug dependents na makabangon mula sa kanilang pagkagumon
Ang mga umiiral na batas ay dapat ipatupad ng todo laban sa public officials na kasabwat ng mga sindikato ng droga.
Ang mga ugat ng problema sa illegal drugs ay dapat ding tugunan ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga oportunidad sa ekonomiya at panlipunan sa mga marginalized at vulnerable na sektor.
Ang community organizations ay dapat bigyan ng kapangyarihan o bigyan ng aktibong partisipasyon sa kampanya laban sa illegal drugs at pagkalooban ng sapat at wastong pakikipagtulungan sa law enforcement agencies tungo sa layunin na makamit ang isang lipunang malaya sa krimen at drug abuse.