WALA nang makapipigil kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para lagdaan upang maging ganap na batas ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund bill.
“I will sign it as soon as I get it. Am I happy? Well that is the version that the Senate and House have passed and we will certainly look into the changes that have been made,” sabi ni Marcos Jr. sa media interview sa sa anibersasryo ng Securities and Exchange Commission (SEC) kahapon.
Naniniwala ang Pangulo na ang tagumpay ng anomang pondo, hedge funds, pension funds, sovereign fund, investment fund ay nasa pamamahala.
“Even I proposed to the House was to remove the President as part of the Board, to remove the central bank chairman, to remove the Department of Finance, because it has to operate as an independent fund, well-managed professionally,” dagdag niya.
Pinirmahan kamakalawa ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang final copy ng MIF bill sa Philippine Embassy sa Washington, habang siya’y nasa official visit sa Amerika.
Nauna rito’y tiniyak ng iba’t ibang grupo, pati ang Taumbayan Ayaw sa Maharlika Fund Network Alliance (TAMA NA) na kukuwestiyonin nila ang MIF sa Korte Suprema dahil bukod anila marami itong butas may mga paglabag umano sa Konstitusyon sa pagratsada ng Kongreso para maipasa ito.