INIREKLAMO ng isang binatilyo ang tatlong pulis na umano’y nagbuhos ng maanghang na suka sa kanyang ari sa Don Marcelino, Davo Occidental.
Sa salaysay ng 16-anyos na biktimang itinago sa pangalang alyas Boy, nagtungo siya sa himpilan ng Don Marcelino Police noong Linggo para sana humingi ng tulong dahil papaluin siya ng kanyang amang lasing.
Uuwi na sana umano siya nang pigilan ng tatlong pulis at binuhusan siya ng maanghang na suka o sinamak sa ari.
“Sinabihan nila ako na dito lang ako kasi patitikimin nila ako ng sinamak. Pinapasok nila ako sa loob kasama ang papa ko at doon na nila nilagyan ng maanghang na suka ang ari ko,” anang biktima.
Isinumbong na ni alyas Boy at ng kanyang lolo sa hepe ng Don Marcelino Police ang inisidente.
Itinanggi ng mga pulis ang alegasyon nang makaharap nila ang panig ng biktima gayunman, itutuloy ng pamilya ni alyas Boy ang reklamo.
Posibleng maharap sa kasong Child Abuse at mga kasong administratibo at tatlong pulis na sa kasalukuyan ay isinailalim na sa restrictive custody.