DAPAT maging mulat ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Pilipinas kaugnay sa national security gayundin sa regional security upang malaman nila ang heograpikal na kahalagahan ng kanilang mga lalawigan at ng Pilipinas dahil hindi natin maiwasang masangkot sa kompetisyong US-China, dahil sa heograpikal na lokasyon ng ating bansa
Ito man ay isang biyaya at sumpa, o kaya’y isang pagpapala at isang sumpa. Hindi natin gusto itong ating heograpiya pero malaking bentahe sa atin na may dalawang super power na naglalaban para maging kakampi nila, bihira lang mangyari ‘yun.
Kaya dapat tayong maging matalino dahil ito na ang pagkakataon natin na gamitin ito bilang leverage sa dalawang magkasalungat na kapangyarihan.
Nandito na ang mga Chinese, very active ang local investments nila. Dapat tayong mag-demand ng investments mula sa mga Amerikano para makahabol sila sa China.
Kailangan nating sabihin sa mga Amerikano na ang ating alyansa ay hindi maaaring batay sa seguridad lamang kundi pati na rin sa mga pamumuhunan sa ekonomiya.
Mukhang mas kaunti ang ginagawa ng US para sa Pilipinas kompara sa Israel, para sa Pakistan nang kanselahin nila ang utang sa kanilang war on terror. Bakit hindi nila magawa sa atin ngayon?
Habang ang matinding presensya naman ng Beijing sa West Philippine Sea (WPS) ay dapat magtulak sa administrasyong Marcos Jr. na gumawa ng representasyon sa UN General Assembly at himukin ang mga miyembrong estado na magpasa ng isang resolusyon na nananawagan para sa ganap at agarang pagsunod ng China sa 2016 arbitral award na pumapabor sa Pilipinas.
Walang problema kung gusto ng China na maging superpower pero kailangan nilang maging responsable, at gumagalang sa teritoryo ng kanyang mga kapitbahay.