“Asahan na po natin na magiging delingkuwente itong sinasabing relasyong ito.”
Sinabi ito ng batikang showbiz talk show host Cristy Fermin matapos pumalag ang aktres na si Kris Aquino sa pag-amin ni Batangas Vice Gov. Mark Leviste sa kanilang relasyon.
“Kapag nagmarka na iyong mga una,’yung mga susunod, hindi na lalayo pa. Ganoon lang ‘yun, di ba?” ani Cristy sa programang Cristy Ferminute sa One PH kahapon.
Sa kanyang Instagram post noong Lunes, mistulang pumalag si Kris sa pagsisiwalat ng bise gobernador sa kanilang pagmamahalan at wala raw siyang basbas sa ginawa nito, bagama’t hindi niya pinangalanan si Leviste.
“Anong gustong palabasin ni Kris dito? Adelantado itong politiko, ‘di ba?” giit ni Cristy.
Huling nakarelasyon ni Kris si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Senen Sarmiento.
Inianusyo ng aktres ang kanilang engagement noong Oct. 2021 ngunit matapos ang tatlong buwan ay inamin niyang hiwalay na sila.
Kasalukuyang nasa Amerika ang aktres at ipinagagamot ang kanyang autoimmune diseases.