Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nakatutok umano ang mga otoridad sa mga person of interest at grupo kaugnay sa nangyaring ambush sa Barangay Poblacion sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinasawi ng dalawang pulis at ikinasugat ng apat noong Hunyo 14.
Ayon kay Public Information Officer chief P/BGen. Redrico Maranan, patuloy ang pagtugis ng Police Regional Office ng Bangsamoro sa mga salarin sa nangyaring krimen pero hindi muna inihayag ni Maranan ang ilang mga detalye kung ilang mga person of interest at kung anong grupo ang tinututukan nila.
“May magandang development sapagkat base sa kanilang pag-iimbestiga ay mayroon na silang mga persons of interest na tinututukan at sa ngayong doon nakatuon ang ating on going police operations,” sabi ni Maranan.
Dagdag pa niya, isinailalim na sa full alert status ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region matapos ang insidente at pinaigting nila ang security posture sa lalawigan kabilang na ang pagdagdag ng pwersa ng PNP sa lugar, paghihigpit sa checkpoint, chokepoint, pagpapatrolya at intelligence gathering.
Una nang kinokondena ng PNP ang krimen kasabay ng pagtitiyak na sisikapin nilang makamit ang hustisya para sa naulilang pamilya ng mga biktima na sina Patrolman Saiponden Shiek Macacuna at Patrolman Bryan Polayagan.
Sugatan naman sa pananambang ang apat na pulis na sina Patrolman Arjie Val Loie Pabinguit, Patrolman Abdulgafor Alib, Police Staff Sergeant Benjie Delos Reyes, at Police Chief Master Sergeant Rey Vincent Gertos
“Kami ay nalulungkot sapagkat ‘yung ating mga kapulisan ay gumagawa lang ng kanilang tungkulin dahil dyan mas lalo pa nating paiigtingin ‘yung ginagawa nating security doon sa area at aming pinaaalalahanan ang ating kapulisan na laging magdoble ingat sapagkat alam naman natin ‘yung area kung saan tayo na-aassign — laging may mga panganib na dala ‘yung ating trabaho,” sabi ni Maranan.