Iniulat ng mga otoridad na isang lalaki umano ang pinatay ng kaniyang sariling pamangkin at saka ibinaon ang kaniyang bangkay sa septic tank sa Midsayad, North Cotabato.
Lumitaw umano sa imbestigasyon na may matinding away ang biktima at suspek at matapos noon ay pinagsasaksak umano ng pamangkin sa leeg ang kaniyang tiyuhin at ginilitan.
Sa tulong ng apat na kasama, ibinaon nila ang bangkay ng biktima sa septic tank.
Pero nadiskubre ang krimen nang magsumbong sa pulisya ang live-in partner ng isa sa mga suspek.
Naaresto na ang limang suspek na hindi na umano nagbigay ng pahayag.
Samantala, nagulantang ang mga tao na malapit sa isang nakaparadang kotse sa Davao City nang biglang sumabog ang sasakyan. sa Ecoland Drive sa Barangay Matina.
Ayon kay Davao City Police Office (DCPO) director Colonel Alberto Lupaz, pag-aari ng abogadong si Alberto Magulta ang sasakyan at hinala nila ay may kinalaman sa hinahawakan nilang kaso ang pagpapasabog sa kaniyang sasakyan.
Ilang minuto pa lang daw nakabababa ng sasakyan si Magulta nang mangyari ang pagsabog.
Dumating sa lugar ang explosive and ordinance disposal unit ng pulisya para mag-imbestiga at mangalap ng ebidensiya para malaman kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng mga salarin.
Sa kuha ng CCTV camera, may nakita umanong dalawang lalaki ang lumapit sa sasakyan bago nangyari ang pagsabog. Wala naman nasaktan sa insidente.