Hanggang ngayon ay wala pang balak ipaubaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang puwesto ng Department of Agriculture dahil ayon umano sa kanya, hindi siya makakaalis bilang kalihim ng DA hanggang hindi pa natitiyak na maayos ang lahat ng sistema sa kagawaran.
Kung matatandaan, mayroon nang naitalagang kalihim ng Department of Health (DoH) at Department of National Defense (DND) ang Pangulo nitong nakaraan at ang natitira na lamang ay ang DA at ang Department of Education na si Vice President Sara Duterte naman ang tumatayong kalihim.
Mula nang maluklok sa Palasyo, inilagay ni Marcos sa ilalim ng kaniyang pamumuno ang DA at ayon pa sa kanya, ilang personalidad niya ang hinikayat niyang hawakan ang DA pero mas gusto raw ng mga ito na manatili siya sa naturang puwesto.
“Marami. Tinatanong ko sa kanila lahat, inaantay ko mag-volunteer sila mag-Secretary, ayaw ako paalisin eh. So, hangga’t matapos,” saad ng Pangulo.
“The truth of the matter is that we have really managed to make some very important structural changes in the Department of Agriculture so iniisa-isa natin ‘yan,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Marcos na nais niyang matugunan muna ang mga naging problema sa food supply at food prices noong panahon ng pandemic, kasama na rin ang pagsasaayos ng food production ng bansa.
“The problem had been was during the beginning of this year, naging crisis lahat ng food supply, food prices, lahat, fertilizer prices, etc. Kaya napakalaking bagay nitong donation na binigay sa atin ng China. ‘Yun, we were just trying to put up emergency measures para naman mabigyan natin ng kaunting tulong at suporta ang ating magsasaka,” paliwanag ni Marcos.
Bago niya iwan ang DA, sinabi ni Marcos na nais niyang matiyak na magiging maayos na ang kabuhayan ng mga magsasaka, maayos ang food supply, at abot-kaya na ang halaga ng mga produkto.
Sana lamang ay talagang makahanap na ng hahalili sa Pangulo bilang kalihim ng DA dahil hindi biro ang humawak ng ehekutibo at isang ahensya nang sabay.