Nagbabala ang Department of Health (DoH) sa publiko laban sa dengue lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon sa datos ng DoH, tumaas ang bilang ng dengue cases sa buong bansa at nitong nakaraan ay nakapagtala ng 51,323 na dengue cases mula Enero 1 hanggang Mayo 20, 2023, katumbas ito ng 30 porsiyento na pagtaas kumpara sa 39,620 sa parehong panahon noong 2022.
Samantala, may 176 na namatay ngayong taon, kumpara sa 212 sa parehong panahon noong isang taon.
Sa Metro Manila, may 5,726 kaso ng dengue na admitted sa iba’t ibang reporting institutions sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Mayo 20, 2023 na 68 porsiyento na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2022.
Karamihan ng mga kaso ay kabilang sa 5-9 years age group.
Paalala ni Health Undersecretary at spokesperson Eric Tayag, ugaliin ang 4S strategy para mapangalagaan ang sarili laban sa kagat ng lamok.
“Hanggang hindi natin natatagupuan po ‘yan, patuloy po ‘yung pagdami ng lamok sapagkat ngayong rainy months, asahan natin na maraming lamok,” sabi ni Tayag.
Kabilang sa mga sintomas ng dengue ang mataas na lagnat bagamat maaari aniyang walang lagnat at maging asymptomatic, pagsusuka, at pananakit ng katawan.
Mainam na magpa-test din agad para malaman din kung ang lagnat ay dahil sa dengue at hindi dahil sa trangkaso o Covid-19.
“Ang dengue po ay traydor if I may use the word traydor. It’s fatal, it can be fatal kung late maagapan, puwedeng ikamatay lalong-lalo na sa mga kabataan na immune compromised, malnourished at mga very vulnerable po… We really enjoin everyone lalo sa panahon ng tag-ulan to be very, very… suspect kapag nagkaroon ng fever po past the third day, kailangan na pong pumunta sa mga health centers,” saad ni Dr. Aleli Sudiacal, Director IV ng DoH Metro Manila Center for Health Development.
Samantala, batay rin sa datos ng DoH, tumaas din ang bilang ng influenza-like illness sa Pilipinas.
Nakapagtala ang DoH ng 70,275 cases ng influenza-like illness mula Enero 1 hanggang Mayo 20, 2023 kumpara sa 32,883 cases sa parehong panahon noong 2022 o 114 porsiyento na pagtaas.