Tila nakakabahala ang iringan ng Estados Unidos at China dahil sa Taiwan issue, pero bakit ko po tinalakay ito?
Kasi naman, apektado tayo sakaling magpalipad ng mga missiles ang military ng China ngayong open target na tayo dahil umano sa mga US military installations na tinayo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Historically, talagang kakampi ng Pinas ang big brother “Hey Joe” kaya lang, mayroon bang sapat na kahandaan ang ating mga mamamayan na naninirahan malapit sa mga base militar nito?
Mayroon ba ang pamahalaan natin — maging lokal o nasyunal — na evacuation plan sakaling sumiklab ang digmaan sa pagitan ng dalawang higanteng bansa?
Mayroon na tayong aral sa kasaysayan dahil noong World War II, binulaga tayo ng mga Hapon at pinasabugan ang mga military installations ng US sa lugar natin.
Kaya sana isama sa mga plano ng pamahalaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang evacuation plan ng ating mga kababayang madadamay sa napipintong malaking away na maaring maganap.
Parang repetition ng history ito, pero ngayon dapat ahead tayo sa preparasyon.
Sana ay may magandang solusyon ang problema na ito sa pagitan ng US at China kaugnay sa Taiwan dahil talagang nakakatakot ang maaaring mangyayari at dito na lalabas at magkaka-alaman kung sino ang malakas ang military.
Ito na ba ang pinangangambahang nuclear war sa panahong ito?
Kaya panawagan lang sa kinauukulan, paghandaan po ang paglikas ng ating mamamayan bago man lang simiklab ang kinatatakutang World War 3.