LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Bahagi ng selebrasyon ng National Information and Communications Technology (NICT) Month ang isinasagawang Startup Awareness School Caravan nitong nakaraan sa Mindoro State University (MinSU) Activity Center.
Pinangunahan ang gawain ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Mimaropa at dinaluhan ito ng mga mag-aaral mula sa mga paaralan ng MinSU Calapan Campus, Pola Community College, at Southwestern Institute of Business and Technology (SIBTECH) mula sa bayan ng Pinamalayan.
Ito ay bahagi pa rin ng serye ng mga aktibidad ngayong buwan na nagsusulong ng pag-unlad ng sektor ng ICT sa mga kanayunan.
Ang Start-Up School Caravan ay bahagi ng Digital Start-Up Development and Acceleration Program (DSDAP) ng ahensiya at ng ICT Industry Development Bureau (IIDB) alinsunod sa Republic Act No. 11337 na nagbibigay benepisyo at mga programang naglalayong paunlarin at palakasin ang Philippine Startup Ecosystem.
Maaari namang makatanggap ng aabot sa P1 milyon na grant ang indibidwal o grupo na mayroong magandang panukala tungkol sa ICT Development. Ito ay pipiliin ng mga panelist sa ilalim ng Start-Up Grant ng DSDAP.
Sa panayam ng PIA Oriental Mindoro kay Southwestern Institute of Business and Technology (SIBTECH) ICT Instructor Mark Christian F. Villacampa, naniniwala siya sa kagandahan ng mga programa at proyekto na isinusulong ng DICT upang higit pang linangin ang sektor ng Information and Communications Technology, lalung-lalo na sa mga malalayo at mga liblib na lugar.
Patunay na lamang aniya dito ang isinasagawang Start-Up Awareness School Caravan ng DICT.
“Maganda ang kanilang ginagawa, lahat ng mga involved sa ICT ay nagkakaroon ng puwang at nagkakaroon ng parte hindi lamang sa indibidwal kung hindi sa buong lalawigan ang natutulungan para sa pangkubuuan na kaunlaran,” saad pa ni Villacampa.
Naniniwala ang guro na sa pamamagitan ng mga ganitong gawain ay magkakaroon ng mga panibagong ideya na magbibigay pagkakataon na makasabay ang mga komunidad na nasa nayon sa makabagong panahon.