LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Aabot sa 105 kawani ng Department of Agriculture (DA) Mimaropa Regional Field Office ang pinaglingkuran ng Pag-IBIG Home Development Mutual Fund sa pamamagitan ng mobile services na isinagawa sa lungsod na ito kamakailan.
Pinangunahan ni Pag-IBIG Fund Customer Support Assistant Zarlheia M. Roslinda kasama ang mga Data Service Assistant na sina Blecy Sagun at Ma. Joevel Magsisi para ipaliwanag ang mga programa at serbisyo na ipinagkakaloob ng kanilang tanggapan gayundin ang mga benepisyong maaaring matanggap sakaling maging kasapi.
“Ang mga serbisyo na hatid ng Pag-IBIG ay ang pagpo-proseso ng Loyalty Card na maaari ring gamitin bilang identification at disbursement card para makakuha ng multi-purpose loan, calamity at housing loan,” pahayag ni Rosalinda.
Dagdag pa ni Roslinda, maaari ring magsumite ng aplikasyon ang nais maging kasapi upang makapag-loan at makapag-ipon sa pamamagitan ng Modified Pag-IBIG 2 (MP2), paghuhulog ng buwanang kontribusyon at pag-update ng mga record.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni DA Mimaropa Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting sa inisyatibo at panahon na inilaan ng Pag-IBIG Fund para mailapit ang kanilang mga serbisyo sa mga miyembro, kabilang na ang mga kawani ng DA-Mimaropa.