Humihimas na ngayon ng rehas ang isang 45-anyos na lalaki sa Barangay Holy Spirit, Quezon City matapos lumantad ang kaniyang stepdaughter at inakusahan siya ng pangmomolestiya.
Sa kaniyang guro nagsumbong ang 15-anyos na dalaga nang pagsulatin silang mga estudyante ng kanilang mga “concerns” ayon sa mga otoridad.
Nakasaad sa isa sa mga notes ng dalagita na ilang beses umano siya minolestiya. Walang pangalan sa note kaya hindi agad natukoy ang estudyante.
“Yung adviser nila, nagpa-submit ng papel kung saan isusulat nila concerns nila or anything na gusto nila iparating pero wala silang mapagsabihan. So wala itong pangalan. Napansin niya itong batang ito so hinanap niya ito,” sabi ni Police Lt. Col. May Genio, Station Commander ng Quezon City Police Station 14.
Humingi ng tulong agad ang guro sa mga social worker at pulisya.
Hinuli ang suspek sa operation ng Quezon City Culiat station noong Biyernes.
Bago pa ang insidente, nagduda na raw ang teacher na may pinagdadaanan ang dalagita.
“Sa initial investigation natin, hindi nagsasalita itong bata. So kami rito, hindi kumbinsido na parang ganon lang ang nangyari. So continuous yung follow up namin,” sabi ni Genio.
“Sinabi niya na since 6 years old pa raw siya eh minomolestiya na siya ng tatay niya.”
Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang sa kaniya.