BOAC, Marinduque — Sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) Marinduque ay bumaba sa 7.7 porsiyento ang inflation rate sa lalawigan ng Marinduque para sa buwan ng Abril kumpara sa 9.4 porsiyento na datos noong buwan ng Marso.
Ayon kay Chief Statistical Specialist Gemma Opis, ang sanhi ng pagbaba ng antas ng inflation ay ang mabagal na paggalaw ng presyo ng pagkain at mga inuming hindi nakalalasing na nasa 12.5 porsiyento, gastusin sa bahay, singil sa tubig at kuryente at transportasyon na nasa 2.7 at 4.9 porsiyento.
“Ang nag-ambag sa pagbaba ng inflation ay ang mas mabagal na pagtaas ng isda at lamang dagat tulad ng galunggong na mula sa 27.1 noong Marso ay naging 12.9 porsiyento na lamang; mga gulay, tubers at saging na mula sa 24.8 ay naging 17.4 porsiyento at presyo ng karne gaya ng manok at iba pang kinakatay na hayop na nasa 14.4 porsiyento mula sa 17.7,” paliwanag ni Opis.
Samantala, nanatili sa 0.78 ang purchasing power of peso (PPP) sa Marinduque kung saan ang PPP ay nagpapakita kung magkano ang halaga ng piso kumpara sa halaga nito noong 2018.