Iniulat ng mga otoridad sa Agusan del Sur na isang bangkay ng babae ang natagpuan sa isang kanal sa Barangay El Rio sa bayan ng Sibagat at ayon sa mga pulis ay posibleng hinalay ang biktima dahil wala itong saplot nang matagpuan.
Sinabi ng mga otoridad na wala pang pagkakakilanlan ang babae, na tinatayang nasa edad 20 hanggang 30 anyos, may katamtamang pangangatawan, kulot ang buhok, at may taas na 5’2’’ hanggang 5’4’’.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, dalawang pulis ang patay habang apat naman ang sugatan pagkatapos tambangan sa bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur.
Base sa mga paunang ulat, pabalik na sana sa Kampo Datu Akilan ang anim na pulis pagkatapos nilang magpatrolya ng mangyari ang insidente alas 8:30 ng gabi nitong Miyerkules.
Sabi ng pulisya na nasundan pa ang insidente ng shootout sa pagitan ng mga pulis at umatakeng grupo.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga nakalabang grupo. Pinaigting na din ang seguridad sa probinsiya.
Sa iba pang balita, malubhang nasugatan ang isang rider matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang AUV na kumaliwa umano sa isang panulukan sa Cebu City kahit na bawal.
Kinilala ang biktima na si Nicolo Paragoso, na tumilapon matapos ang banggaan.
Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Mabolo, makikita na tumilapon at umangat ang biktima bago bumagsak sa kalsada dahil sa lakas ng pagkakabangga.
Ayon sa mga otoridad, no-left turn ang lugar pero kumaliwa ang driver ng AUV kaya bumangga rito ang motorsiklo ng biktima.
Bukod sa tinamong head injury, nabali rin umano ang paa ng biktima na kaagad dinala sa ospital.
Sinampahan naman ng kaukulang reklamo ang driver.