Dalawang lalaki at isang teenager ang namatay matapos umanong pagbabarilin ang mga ito sa kanilang compound sa Barangay 40, Caloocan City nitong Martes ng gabi at ayon sa mga ulat, pinasok ng dalawang armadong lalaki pasado alas-11 ng gabi ang compound at pinaputukan ang tatlong magkakapamilya doon.
Dead on the spot ang magbayaw na sina Joel Camariño at Nilo Balili at namatay rin ang isang 16-anyos na dalaga na nakatira lang sa katabing kuwarto.
Kuwento ng nanay ng teenager na si Rubelyn, isang barangay tanod, nakalabas pa ang kaniyang anak sa barangay hall sa tapat ng compound para humingi ng tulong. Pero binawian din ng buhay ang dalagita nang dalhin sa ospital.
Nakatakas naman ang mga suspek sa tulong ng dalawang naka-standby na getaway driver.
Inaalam pa ng mga pulis ang motibo ng mga namaril pero hinala ng mga residente at pamilya ng mga biktima, isa itong kaso ng mistaken identity.
“Joel lang sila ng Joel, di daw nila alam yung apelyido… Bigla lang sila nagsalita ng Villanueva. Kaya nagtaka na rin kami, wala naman pong Villanueva dito,” sabi ng isang nakakita.
Sabi ni Police Col. Ruben Lacuesta, hepe ng Caloocan City Police, may mga tukoy nang persons of interest sa pamamaril.
Dagdag niya, pinaghahanap na nila ang mga suspek sa tulong ng pag-backtrack sa mga CCTV.