Inamin ng aktres na si Kyline Alcantara na talagang marami siyang pinagdaanan noon upang maabot lamang ang kanyang pangarap na maging artista at masimulan ang kanyang showbiz career.
Aminado rin ang dalaga na bata pa lamang siya ay talaga umanong “bida-bida” na siya kahit pa dumaan sila sa matinding hirap ng buhay at hindi rin naging madali para sa kanya na matupad ang mga pangarap niya para sa sarili at sa pamilya.
Sa panayam sa kanya sa “Fast Talk with Boy Abunda”, inamin niya na bata pa lang siya ay talagang pangarap na niya ang mag-artista at dahil sa kakapusan sa pera ay naranasan nila ng kanyang nanay na makisakay sa delivery truck para makaluwas ng Maynila at makapag-audition.
“Noong bata pa po kasi talaga ako, Tito Boy, kaya sinabi ko po kanina na makapal dapat ang mukha dahil noong bata pa lang po ako, bida bida na po talaga ako,” sabi ni Kyline at dagdag niya, 100 percent ang pagsuporta sa kanya ng ina dahil naniniwala raw ito sa kanyang kakayahan at talento, kaya naman gumawa raw talaga ito ng paraan makapunta sa isang audition.
“Nakita ni Mama na mayroon pong pa-audition sa kabilang network before, sa isang show na pambata po doon, tapos nakita niya na nanonood ako and parang gustong-gusto ko po makasali doon sa competition na ‘yon, ginawan niya po ng paraan,” sabi ni Kyline.
Giit pa niya, talagang nakisakay sila sa isang delivery truck na naghahatid ng gulay sa Maynila na nagmula sa Bicol.
“Wala po kaming pambayad sa bus, kahit po ordinary bus lang, wala po talaga. May palengke po doon sa Bicol, pumunta doon si Mama and nagtanong po siya sa isang tindera, na kaibigan niya po doon, na ‘Uy, meron ka bang mga ipapadala sa Manila?’ And then, doon na po nag-start. Sumabay po kami sa isang truck na punong-puno ng gulay at may mga kasama kaming boys kasi siyempre po magbubuhat po sila, e,” saad ng dalaga.
At pagkatapos nga ng kanyang pagsasakripisyo at paghihintay, nagbunga rin ang kanyang pagtitiyaga dahil isa na siya ngayon sa pinakasikat na Kapuso stars.