Patay ang kinikilalang notorious na lider ng Daulah Islamiya-Maute Group na si Abu Zacharia sa isang engkuwentro sa Marawi City madaling araw nitong Miyerkoles, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay AFP public affairs chief Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto, nangyari ang insidente pasado 1 a.m. sa Bangon, Marawi City.
“Based on the report from the ground, Faharudin Hadji Benito Satar/Faharudin Pumbaya Pangalian/Fahar Pumbaya Pangalian, a.k.a. Abu Zacharia, Amir of the Daulah Islamiyah-Philippines and Overall Amir of the Islamic State-East Asia was successfully neutralized after resisting arrest during a joint law enforcement operation conducted at his safe house in Barangay Bangon, Marawi City, Lanao del Sur at about 1:30 in the morning, Wednesday,” sabi naman ni Western Mindanao Command Chief Lieutenant General Roy Galido sa isang pahayag.
Ayon pa sa AFP, nagsagawa ng joint operation ang 103rd Infantry Brigade at ang PNP para silbihan ng warrant of arrest si Abu Zacharia. Ngunit nagpaputok ang target kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Naghagis din umano si Abu Zacharia ng 60mm mortar at dalawang granada patungo sa posisyon ng mga tropang sundalo.
Sumiklab ang palitan ng mga putok, na tumagal ng 10 minuto. Habang sinusuyod ng mga sundalo ang lugar, natagpuan nila ang wala nang buhay na katawan ni Abu Zacharia, at ang dalawang M16A1 rifles na kargado ng mga bala.
Sugatan sa engkuwentro ang isang sundalo.
Pinalitan ni Abu Zacharia si Abu Dar bilang leader ng Daulah Islamiyah-Maute Group.
Si Dar, na lider ng grupo noong Marawi Siege, ay napatay sa isang engkuwentro noong Marso 14, 2019.
Target si Abu Zacharia ng mga nakaraang operasyon sa Lanao del Sur.