Isang matinding hamon pa rin ng bansa ang sobrang haba at sobrang tagal na traffic sa ilang mga pangunahing mga lansangan sa Metro Manila at hanggang ngayon ay hindi pa rin malaman kung ano ba talaga ang magiging solusyon ng problemang ito.
Hindi maikakailang talagang nakakaubos ng oras, gasoline at pasensya ang sobrang bigat na daloy na trapiko, at mas kilala ang EDSA sa isa sa mga kalsadang humaharap sa ganitong sitwasyon lalo na kung rush hour.
Pero nitong nakaraan, ibinida ng Metropolitan Manila Development Authority na mas gumaan na umano ang traffic sa EDSA ngayon kumpara ng bago mag-pandemya.
Sa tala kasi ng MMDA, nitong Mayo ay nadagdagan ng 20,000 sasakyan ang dumaraan ngayon sa EDSA kumpara noong bago magpandemya, pero kahit mataas umano ang volume ng mga sasakyan ay mas bumilis umano ngayon ang biyahe sa nasabing highway.
Ayon sa MMDA, ang paglagay ng exclusive lanes para sa bus carousel o ang busway at ito umano ang dahilan kaya mas bumilis ang biyahe ng mga bus – ang dating dalawang oras mula Monumento papuntang Baclaran ay naglalaro na lang umano sa higit isang oras na lamang.
Sang-ayon naman ang ilang commuters at drivers ng EDSA bus carousel na mas maikli ang travel time ngayon, pero ayon sa isang traffic expert, hindi ibig sabihin nito ay mas maginhawa at ligtas na ito sa commuters at motorista.
Pero giit naman ng isang transport advocacy group, hindi ibig sabihin nito ay mas maginhawa na ito para sa publiko.
Magkaganoon man, kahit konting ginhawa mula sa mabigat na trapik ay tatanggapin na siguro ng mga motorista pero hindi ibig sabihin nito na titigil na ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagreresolba sa ilang dekada nang problemang ito.