Inihayag ng mga otoridad na may isang babaeng natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa bayan ng Tigbao sa Zamboanga del Sur nitong nakaraang Sabado at ayon sa mga ulat, tadtad ng saksak ang katawan ng biktima.
Kinilala ng Zamboanga Police ang biktimang si Jenalyn Candao na mula sa Zamboanga Sibugay at ayon kay Police Staff Sergeant Xandro Jaca, isang lalaki na papunta sa sapa ang nakakita sa bangkay.
Tinatayang 11 saksak ang tinamo ng biktima sa iba’t ibang parte ng katawan nito at nakita rin sa pinangyarihan ng krimen ang eco bag, pera, at ticket sa bus.
Sa pag-iimbestiga ng mga otoridad, nalaman na nakuhanan sa dashcam ng isang bus ang biktima habang naglalakad sa Dumalinao, Zamboanga del Sur noong June 9.
Sumakay umano ang biktima sa bus mula sa Pagadian City at bumaba sa town proper ng Dumalinao.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
Samantala, arestado ang tatlo katao matapos silang mahulihan ng mahigit P1 milyong halaga ng umano’y marijuana sa isang buy-bust operation sa Malolos, Bulacan.
Nakilala ang mga inaresto na sina Maribeth Melendez, Raffy Magpalit Jr. at Arvin Meneses na nahuli sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sumapang Matanda.
“Itong mga naaresto natin ay umakyat ng Benguet para kumuha ng marijuana. At ide-deliver nila dito sa atin sa Bulacan,” ani Police Captain Jereland M. Salinas, hepe ng Malolos City Police.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo.