Nitong nakaraan ay naiulat ang kalunos-lunos na sinapit ng isang dalaga matapos matagpuan ang kanyang putol-putol na katawan sa Antipolo City.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, hinampas umano ng suspek sa ulo ang biktima bago pinutol-putol ang katawan nito para mailabas sa kanilang bahay.
Magkahiwalay na itinapon ng suspek ang pira-pirasong bahagi ng bangkay ng biktima sa Barangay Dela Paz at Barangay Boso-Boso.
Pero ngayon ay hawak na umano ng mga otoridad ang ka-live-in ng dalaga matapos nitong umamin na siya ang nasa likod ng pagpaslang nito.
Unang itinurong primary person of interest ang naturang lalaki dahil siya ang pinakahuling nakasama ng biktima noong Miyerkules, dalawang araw bago ito matagpuang patay.
Ayon sa hepe ng Antipolo City PNP na si P/Lt. Col. June Abrazaldo, unang sinabi ng suspek na iniwan daw niya ang ka-live-in sa Cogeo Avenue pero hindi raw niya ito napatunayan. Kalaunan ay umamin siya sa pagpaslang sa biktima.
Dagdag pa ni Abrazaldo, umamin na lang ang suspek dahil binabagabag na raw ito ng kanyang konsensya.
“Iyong lagi niya lang sinasabi kung bakit niya chinop-chop ay dahil hindi daw tumitigil sa pagdodroga,” saad ni Abrazaldo.
“Konsensiya na po talaga lalo na po na ‘di kaya ng dibdib ko,” ayon naman sa suspek.
Nakakulong na ngayon sa Police Community Precinct Substation 2 ng Antipolo City ang suspek habang pinoproseso ang kasong murder na isasampa laban sa kanya.
“Dahil sa pag-amin ng suspek sa harap ng maraming witnesses kasama na po diyan ‘yung kanyang pamilya, at kanyang nilahad in detail na wala na po siyang itatago, ay considered pong case closed itong kaso,” dagdag pa ni Abrazaldo.
Sana ay mabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng dalaga ngayong lumutang na ang suspek.