Nitong nakaraan ay lumabas sa mga ulat na pinag-aaralan na umano ng Land Transportation Office (LTO) na alisin na ang online comprehensive examination para sa mga magre-renew ng driver’s license upang mapadali ang proseso sa pagkuha ng lisensiya.
Ang pagsusulit na ito ay kinukuha ng mga magre-renew ng kanilang lisensya at ayon kay LTO officer-in-charge Hector Villacorta pinag-aaralan nila ito.
“You do not unlearn driving. So why take an exam when you have to renew?,” paliwanag ni Villacorta sa mga senador kaugnay sa planong alisin ang comprehensive exam sa mga magre-renew ng lisensiya.
Sinabi rin ni Villacorta na lalong dumami ang mga lumalapit sa mga “fixer” dahil maraming driver ang hindi computer literate o hindi bihasa sa mga transaksyon na nasa internet.
“Lalong nagka-fixer dahil karamihan ng nag-a-apply na driver hindi computer-literate. So lalong lumalapit doon sa mga, ‘Oh computer, computer, kami ang bahala, P2,000,’” sabi ni Villacorta
Nauna nang sinabi ng dating namumuno sa LTO na planong bawasan ang mga tanong sa eksaminasyon dahil inaabot umano ng isang oras ang ibang sumasagot.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na umaabot na sa 690,000 ang backlog sa driver’s license.
Ayon sa kalihim, nasa 70,000 cards na lang na ginagamit sa paggawa ng driver’s license ang natitira. Pero inirereserba umano ito para sa mga aalis na overseas Filipino workers na kakailanganin ang driver’s license sa abroad.
Kailangang masusing pag-aralan ang hakbang na ito dahil bagama’t maganda ang hangarin, baka mamaya ay magamit pa rin ito ng ilang mga mapagsamantala at mga tiwaling opisyal upang makapangurakot.