Inihayag ng mga otoridad nitong nakaraan na umabot umano sa 14 na residente ng Barangay Calulut sa San Fernando City ang sunod-sunod na itinakbo sa ospital matapos makagat ng asong may rabies nitong Huwebes.
Ayon sa ulat, mga bata ang karamihan sa mga sinakmal at sa kuha ng CCTV camera sa isang talipapa sa nasabing barangay, kita ang pagpasok ng aso sa tindahan Huwebes ng hapon.
Ilang saglit pa, biglang inatake at kinagat ng aso ang mukha ng babaeng bantay na noo’y nakaupo lang at nagpapahinga.
Sa ibang CCTV footage naman, nakitang biglang natumba nang patihaya ang isang bata paglabas ng pintuan ng kanilang bahay dahil inatake din ito ng aso kinagat sa mukha.
Iisa lang umano ang aso na nasa likod ng mga sunod-sunod na pagsakmal ng mga residente ng Barangay Calulut, ayon sa beterinaryong si Dr. Ryan Paul Manlapas ng San Fernando City Agriculture and Veterinary Office.
“Iyong atake kasi is mabilisan, biglang magmo-move forward yung aso kakagat tapos biglang aatras na kaagad tapos biglang tatakbo na sa ibang bahay,” sabi ni Manlapas.
Napag-alamang Belgian Malinois ang breed ng asong nangagat. Namatay ito matapos hulihin at hampasin ng mga residente dala ng takot na baka sakmalin din sila.
Nang ipasuri ang aso sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory, nagpositibo ito sa sakit na rabies.
Posible raw na naipasa ng aso ang rabies virus sa mga taong nakagat nito, ani Manlapaz. Kung hindi raw ito maagapan agad, posibleng ikasawi ng mga biktima ang impeksyong dala ng sakit.
Naitakbo naman sa pagamutan ang mga nakagat ng aso at nabigyan ng anti-rabies post-exposure vaccination.